Suportado ni Vice President Leni Robredo ang pag-review sa mga kontratang pinasok ng gobyerno sa dalawang water concessionaires.
Pero sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, pinag-iingat ni Robredo ang Duterte Administration sa pagdedesisyon, dahil anumang maling hakbang ay posibleng magtaboy ng mga investor.
Binanggit din ni Robredo ang nasa 127 Billion Pesos na pagbagsak ng shares sa stock market ng isang malaking kumpanya matapos itong banatan ni Pangulong Duterte.
Posible rin aniyang maapektuhan ang SSS at GSIS dahil mayroon itong investments sa Parent Conglomerates ng dalawang Water Concessionaire.
Kinuwestyon din ni Robredo kung bakit ngayon lang magkakaroon ng renegotiation lalo at nanalo na sa kaso ang Maynilad at Manila Water sa Singapore Arbitration Court kung saan inaatasan ang gobyerno na magbayad ng 11 Billion Pesos na danyos.
Bago ito, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapa-take over sa Militar ang Water Distribution.
Sumang-ayon naman ang dalawang Water Concessionaires na i-review at i-renotiate ang mga kontrata.