Naghihintay na rin si Vice President Leni Robredo ng kanyang pagkakataon na mabakunahan kontra COVID-19.
Pagtitiyak ni Robredo, tanging bakuna na mayroong emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang kanyang ipatuturok.
Giit niya, kung hindi tatangkilikin ang bakunang may EUA, parang walang saysay ang FDA bilang regulatory agency.
“Kaya tayo may regulatory agencies kasi sila ang experts. Sila ang may capacity na mag-assess, may obligasyon na siguruhin ang makakapasok sa bansa ay dumaan sa rigorous na assessment,” ani Robredo.
Noong nakaraang linggo, matatandaang nagpabakuna si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Sinopharm vaccine na binigyan lamang ng FDA ng compassionate special permit para sa kanyang mga close-in security detail.
Kabilang sa mga nabigyan na ng EUA ay ang mga bakuna ng Pfizer-BioNTech, Oxford-AstraZeneca, Gamaleya Institute Sinovac Biotech, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.