VP Robredo, naglunsad ng online learning hubs sa iba’t ibang lugar sa bansa

Inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) ang online learning hubs sa iba’t ibang lugar sa bansa katuwang ang Department of Education (DepEd).

Ang programang ito ay bahagi ng E-skwela program ng OVP para tulungan ang mga guro, magulang at mga estudyante.

Layunin ng programa na mabigyan ng libreng access sa mga computers, gadgets at internet ang mga mag-aaral sa ilalim ng distance learning.


Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang abogado ni Robredo, ang pagtatatag ng online learning hubs sa bansa ay isinasagawa alinsunod sa mahigpit na health protocols.

Pagtitiyak ni Gutierrez na ligtas ang magtungo ang mga estudyante sa learning facilities sa gitna ng COVID-19 pandemic.

”At para panatilihin ang kaligtasan ng mga learners at tutors, sinisiguro ang istriktong pagpapatupad ng safety protocols sa mga learning hubs,” sabi ni Gutierrez.

Paliwanag ni Gutierrez na may naka-assign na schedule sa bawat estudyante kung kailan nila magagamit ang gadgets at internet.

Ang online learning hubs ay malapit lamang sa mga bahay ng mga mag-aaral at hindi rin nila kailangang magtungo araw-araw sa mga ito.

“Bibisita lamang ang mga learners tuwing kailangan nila ng gabay sa paggawa ng kanilang mga worksheets. Sa bawat hub din, may mga itinalagang schedulers na magfa-facilitate ng oras at araw ng bisita ng mga learners,” sabi ni Gutierrez.

Facebook Comments