VP Robredo, pormal nang inanunsyo ang pagsabak sa 2022 presidential elections

Pormal nang inanunsyo ni Vice President Leni Robredo ang plano nitong pagsabak sa May 2022 presidential elections.

Sa kanyang talumpati sa Bahay Pag-asa kanina, pinasalamatan ni Robredo ang lahat ng nagpaabot ng suporta, dasal at umunawa sa proseso ng kanyang pagdedesisyon para sa halalan.

Una rito, inamin ni Robredo na hindi niya binalak tumakbo dahil nais na niyang bumalik sa kanyang probinsya at doon magserbisyo.


Ibinunyag din ni Robredo na may nag-alok sa kanyang sumanib na lang bilang kandidato o maging bahagi ng administrasyon sakaling sila ay manalo.

“Ang tugon ko, hindi ito tungkol sa posisyon. Hindi tayo nakikipag-usap para makipagtransaksyon. Ang pinakamahalaga, magkaisa kami sa prinsipyo, sa pangarap para sa bansa at sa landas na dapat tahakin tungo sa katuparan ng mga ito,” ani Robredo.

“Nilinaw ko rin, buhay at kinabukasan ng Pilipino ang pinag-uusapan natin ngayon. Ang kawalan ng maayos na pamamahala ang ugat ng ating maraming mga problema at ito ang kailangang wakasan,” dagdag niya.

Ayon pa kay Robredo, ina siya na nakikita ang pagdurusa ng bansa.

Gaano man kahirap ay handa siyang lumaban para palitan ng matino at mahusay na pamumuno ang korapsyon, incompetence at kawalan ng malasakit na nararanasan ngayon ng mga Pilipino.

“Buong-buo ang loob ko ngayon, kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako. Lalaban tayo! Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022… ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayagang magdala ng pagbabago.”
Kasabay nito, ipinagmalaki ni robredo ang mga nagawa ng kanyang tanggapan sa kabila ng limitado nitong mandato at pondo.

“Sa maliit na tanggapan pa lang natin dito sa Office of the Vice President, napakarami na nating nagawa para makatulong. Ang mga pabahay, ang ayuda, ang medical at livelihood assistance, ang lingap sa mga nasalanta, ang mga pailaw at classrooms at dorms, Vaccine Express, Swab Cab, Bayanihan E-Konsulta, Bayanihan E-skwela, free shuttle services at mga libreng PPE at napakarami pang ibang nagawa gamit ang pinagsanib nating lakas,” saad niya.

“Kung naipatupad natin ang lahat ng ito, kung nakarating ang tulong natin sa Agutaya hanggang San Remigio hanggang sa ground zero ng Marawi kahit ginigipit tayo. Imagine kung ano pa ang kaya nating gawin, kung saan pa ang kaya nating marating, kung maitututok ang buong enerhiya ng gobyerno sa tanging dapat nitong iniintindi, ang kapakanan ng taumbayan,” giit pa ni Robredo.

Samantala, maghahain si Robredo ng kanyang certificate of candidacy (COC) mamayang alas-3:00 ng hapon.

Facebook Comments