‘Relax lang kayo.’
Ito ang tugon ni Vice President Leni Robredo makaraang sabihin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala lang talagang maipakitang report sa publiko ang bise presidente kaya hindi nito itinuloy ang pagbibigay ng ulat sa bayan.
Matatandaang ipinagpaliban ni Robredo ang paglalabas ng report kasunod ng panibagong lindol sa Mindanao.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila… muling nilinaw ni Robredo na tanging rekomendasyon lang para mapabuti ang kampanya kontra droga ang nilalaman ng kanyang report.
Kung hindi man mailabas ngayong Disyembre, posible aniyang sa umpisa ng Enero niya ito i-anunsyo.
“Kung kaya siguro ngayong December pa rin, gagawin natin ngayong December. Kapag hindi talaga, ‘pag hindi pa natapos ‘yong sakuna, baka early January. Parang pangit kasi, pangit na ito ‘yong inaatupag natin sa panahon na dapat ang inaatupag natin iyong mga kababayan natin na naging biktima. Kaya relax lang po. Ito recommendations para mapabuti,” ani Robredo.