
Nakitaan ng butas ni Vice President Sara Duterte ang paunang galaw ng Kamara sa impeachment complaint laban sa kanya.
Partikular ang liham ni Rep. Chel Diokno sa House Committee on Justice para sa pagpapalabas ng mga subpoena para makakuha ng karagdagang mga dokumento at records sa impeachment complaints Laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay VP Sara, nangangahulugan lamang ito na talagang walang sapat na ebidensya sa impeachment case laban sa kanya.
Sinabi ni VP Sara na malinaw rin na hindi maaaring makapag-imbestiga ang Kamara para lamang makakuha ito ng mga ebidensyang susuporta sa kanilang imbestigasyon.
Kapag ginawa aniya kasi ito ng Kamara, nangangahuluhan ito na ikatlong “fishing expedition” ito ng Kapulungan.
Iginiit ng pangalawang pangulo na ang mga pag-atake laban sa kanya ng mga opisyal na may pansariling interes ay insulto sa mamamayang Pilipino na nagkukumahog ngayon mabuhay sa gitna ng krisis sa langis.
Ito ay habang abala rin ang iba’t ibang bansa sa pagligtas sa kanilang mamamayan na naiipit ngayon sa Gitnang Silangan.
Inupakan din ni VP Sara ang patuloy na paglilihis ng isyu sa tunay na utak ng mga katiwalian sa flood control projects na sangkot din sa pagtanggap ng male-maletang pera mula sa kaban ng bayan.










