
Pinulong na ni Vice President Sara Duterte ang kanyang legal team bilang paghahanda sa impeachment trial sa Senado.
Kinumpirma ni VP Sara na puspusan na ang kanilang preparasyon sa impeachment noon pang Nobyembre ng taong 2023 kasunod ng isang pahayag ni House Deputy Minority Leader France Castro.
Paliwanag pa ni VP Sara na marami na aniyang abogado ang nagpahayag ng intensyon na tumulong o maging kasapi ng kaniyang defense team.
Binigyang diin pa ni VP Sara na welcome ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng “inputs” dahil abogado rin naman siya.
Pero dahil sa edad at sa nakakapagod na proseso ng impeachment ay hihimukin umano niya ang dating pangulo na huwag nang magsilbing lead counsel.
Samantala, nilinaw ng Pangalawang Pangulo na masyado pang malayo para pag-usapan ang pagbibitiw niya sa puwesto dahil hindi pa nababasa ang mahigit 30 pahinang impeachment complaint.
Mensahe naman ni VP Sara sa mga kapwa Pilipino ang pasasalamat sa suporta lalo na sa mga nagdarasal at nagtitiwala.









