
Pinuna ng Malacañang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nagsabing madali lamang umanong magpadala ng eroplano para mailikas ang mga Pilipino mula sa Middle East.
Sa ambush interview sa New York, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi umano nakabatay sa realidad ang ganitong pananaw, lalo na kung hindi isinasaalang-alang ang aktuwal na sitwasyon sa ground.
Ang mga pahayag at mungkahi aniya ng isang lider ay dapat nakabatay sa facts, datos, at sa kalagayan ng mga stakeholder, at hindi sa iisang kuwento o personal na karanasan.
Binigyang-diin din ni Castro na mahalagang pag-aralan at unawain muna ang mga programa at kondisyon bago magbigay ng opinyon sa mga hakbang ng pamahalaan.
Matatandaang naging viral ang pahayag ni VP Sara na nagsabing may kakilala siyang nakauwi mula Dubai kahit may airspace closure, at iginiit na madali lamang umanong magpadala ng eroplano para sa repatriation ng mga Pilipino sa rehiyon.










