Waiter, Kalaboso sa Buy Bust!

Tumauini, Isabela- Hawak na ng alagad ng batas ang isang lalake matapos magsagawa ng Drug Buy Bust Operation ang PNP Tumauini kahapon sa Brgy. San Pedro Tumauini, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Arjay Salvador, dalawampu’t isang taong gulang, walang asawa, may trabaho at residente ng Brgy. Lingaling Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Melanio Vinoray, hepe ng Tumauini Isabela, nakatanggap sila ng mensahe mula sa isang concerned citizen na may nangyaring bentahan ng shabu sa naturang lugar na agad namang nirespondehan ng kapulisan.


Narekober sa bag ng suspek ang isang pakete ng shabu, dalawang piraso ng foil strips, limang daang piso bilang marked money at limampu’t apat na paketeng walang laman na pinaghihinalaang ginagamit bilang supot sa pagbebenta ng shabu.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng PNP Tumauini si Salvador at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments