
“From the start, walang natanggap ni isang papel ang SHFC sa proyektong ito.”
Ito ang mariing pahayag ni Federico Laxa, President at CEO ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), kaugnay sa kontrobersyal na pabahay sa Sto. Niño, Magalang, Pampanga noong panahon ni dating alkalde na si Romy Pecson. Ayon sa SHFC, walang opisyal na dokumento o koordinasyon na naisumite sa kanilang tanggapan, at na-blotter pa ang umano’y hindi awtorisadong paggamit ng kanilang logo sa groundbreaking.
Matatandaang sa loob ng limang taon, entrada lamang ang naitayo sa proyekto habang tinatayang 1,700 buyer ang nakapagbayad.
Nilinaw ni Malu Lacson, kasalukuyang Punong Bayan ng Magalang, na walang iniendorsong turnover ang dating administrasyon. May impormasyon din ang LGU na patuloy pang nakasingil ng buwanang hulog ang ilang indibidwal na konektado sa dating Urban Poor Affairs Office kahit wala na ang mga ito sa opisina.
Ayon naman kay Darwin Reyes, legal counsel na itinalaga ng alkalde, posible ang kasong syndicated estafa dahil sa dami ng complainant. Binibigyang-diin din ng legal team ang pananagutan at legal na obligasyon ng mga dating opisyal na nagpasimula ng proyekto, kabilang ang posibleng kriminal at administratibong kaso.
Nagbibigay na rin ng libreng legal consultation ang pamahalaang bayan upang matulungan ang mga biktima na maipaglaban ang kanilang karapatan.










