Marikina City – Naaresto na ang dalawang suspek na nangholdap at pumatay sa Ateneo graduate student sa Barangay Concepcion UN, Marikina City.
Ayon kay National Capital Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar, isang testigo ang nagturo kay alyas “Diablo” na responsable sa pagkamatay ni Francis de Leon.
Batay sa kwento ng testigo, niyaya siya ni “Diablo” noong Nobyemre 30 na magsagawa ng holdap.
Sinubukan rin raw ibenta sa kaniya ni “Diablo” ang cellphone ni De Leon pero tinanggihan niya ito.
Sabi ni Eleazar, lider din si “Diablo” ng isang grupo ng mga holdaper sa Marikina.
Maliban kay Diablo, naaresto rin ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na kasabwat nito.
Ibinigay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad habang mahaharap sa mga kasong murder, robbery, holdup at illegal possession of firearms si “Diablo.”
Kinumpirma naman ng pamahalaang lokal ng Marikina na makatatanggap ang testigo ng pabuyang P500,000 pero hindi ito absuwelto sa mga kasong maaaring harapin bilang holdaper.