Nahaharap sa kasong qualified theft ang isang airport security screener matapos umanong magnakaw ng pera ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Maliban rito, sinampahan din ang airport screener ng kasong unjust vexation ng airport police matapos siyang magalit at maging marahas nang isailalim sa interview.
Ayon sa Taiwanese na si Cheng Chun Shu, inilagay niya ang kaniyang dalawang hand-carry na bagahe sa x-ray ng paliparan para sa screening.
Pero napansin niya ang isang airport screener na may kinukuha mula sa kaniyang bag at ibinulsa ito.
May kasama rin aniya ito na isa pang airport screener na kumuha rin ng isang pakete ng sigarilyo mula sa kaniyang bag.
Sabi pa ni Cheng, hindi na siya nakapalag dahil may hinahabol siyang flight pero nang bilangin na niya sa eroplano ang kaniyang perang ay nabawasan na ito ng 2,600 US dollar o higit P137,000.
Agad na nagpatulong si Shu sa kaniyang mga kaibigan para magreklamo sa Manila International Airport Authority (MIAA).
Nang ipatawag ng mga opisyal ng paliparan ang dalawang screener, umamin ang isa sa kanila sa pagnanakaw ng kaniyang kasamahan.
Nakuha rin ng airport police ang CCTV footage na nagpapakitang may pinupuslit na envelope ang airport screener mula sa bag ng pasahero.
Nasa kustodiya ng Pasay Police ang naturang airport screener habang tinanggalan na rin sila ng access pass para hindi na makapasok sa NAIA.