Walong senador, lumagda na sa preliminary report ukol sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally

Walong senador na ang lumagda sa draft ng partial report na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa imbestigasyon nito sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.

Bukod kay Committee Chairman Senator Richard Gordon ay nakalagda na rin sa report sina Senators Panfilo “Ping” Lacson, Manny Pacquiao, Koko Pimentel, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima at Minority Leader Franklin Drilon.

Si Senator Grace Poe naman ay pinag-aaralan pang mabuti ang report at mayroon pa raw dalawang senador ang nangakong lalagda rin.


Base sa patakaran, kailangang 11 mula sa 20 miyembro ng komite ang lumagda sa report upang ito ay maipresenta sa plenaryo ng Senado at maging opisyal na committee report.

Inirerekomenda sa nasabing report na kasuhan si Pangulong Rodrigo Duterte kapag natapos na ang kanyang panunungkulan dahil umano sa pagkunsinte sa katiwalian.

Pinapakasuhan din sa committee report sina Health Secretary Francisco Duque III, dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at mga opisyal ng Pharmally, habang pinapa-deport naman si dating Presidential Adviser Michael Yang.

Facebook Comments