Tondo, Maynila – Bumagsak sa kamay ng Manila Police District (MPD) ang labing-isang drug suspects sa ikinasang buy-bust operation sa Estero de Magdalena St. Tondo, Maynila.
Nabatid ng MPD na target ng operasyon si Francisco Castil na sinasabing nabilhan ng limangdaang pisong halaga ng shabu ng operatiba ng Station Drug Enforcement Unit.
Maliban kay Castil, nadatnan din sa lugar ang dalawa niyang kasabwat na runner na sina Roberto Beltran at Michael Scoth.
Dinakip din ang pitong lalaki at isang babae na naaktuhan umanong gumagamit ng shabu.
Kasama sa drugs watchlist ng Moriones Police Station sina Castil at Beltran.
Nasabat sa operasyon ang labing-siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may Street value na halos apat na libong piso.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.