Iminungkahi ni Senador Francis Tolentino sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gamitin ang tinatawag “Waterfalls policy” upang mas mabilis na mabukanahan ang mga Pilipino laban sa nakamamatay na COVID-19.
Paliwanag ni Tolentino, sa ilalim ng “Waterfalls policy,” maaaring ibigay sa ibang sektor na hindi kabilang sa A2 hanggang A3 category ang mga nakalaang sa kanilang COVID-19 vaccine kung magpapasya ang mga itong hindi muna magpabakuna.
Ayon kay Tolentino, maraming hindi kabilang sa tinatawag na priority list ng pamahalaan ang gusto ng magpabakuna, samantalang maraming kabilang sa A2 at A3 category ang nag-aalangan o nagdadalawang isip pa ring magpaturok ng bakuna kontra COVID 19.
Binigyang-diin ni Tolentino na upang hindi masayang o ma-expire ang nasabing mga biniling bakuna ay mas mabuting ibigay na lang ito sa mga ibang nangangailangan din.
Pangunahing inihalimbawa ni Tolentino na mahalagang mabakunahan na ang mga miyembro ng sundalo, pulis at maging ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na karamihan ay hindi pa rin mga bakunado dahil hindi kabilang sa priority list ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Tolentino, hindi kaso ang brand ng biniling bakuna kaya maraming ayaw magpaturok kundi dahil ang kakulangan ng tamang information campaign na dapat iparating sa madla.