WFH, dapat magpatuloy pa rin kahit ibinaba na ang Alert Level sa maraming lugar sa bansa

Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva sa mga employers na ituloy ang work-from-home (WFH) arrangement kung magiging produktibo sa ganitong sistema ang kanilang mga manggagawa.

Diin nito na dapat manatiling opsyon para sa mga empleyado na magtrabaho sa kanilang mga bahay kahit ibinaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa.

Paliwanag ni Villanueva, nananatili pa rin ang COVID-19 pandemic at sa pagbubukas ng ekonomiya ay asahan ang pagtindi ng trapiko, hirap sa pagsakay sa pampublikong transportasyon at malaking gastos sa pag-biyahe dahil sa patuloy na tumataas na presyo ng langis.


Katwiran ng senador, ang flexible working arrangements gaya ng work-from-home ay makakatulong na maibaba ang kaso ng COVID-19 dahil mababa ang physical contact sa mga opisina.

Binanggit din ni Villanueva na ang dami ng taong gumagamit ng pampublikong sasakyan ay maaaring maging “super spreader event” ng virus.

Ipinunto nito na ang new normal ay ang kombinasyon ng work-from-home at face-to-face na pagtatrabaho.

Ipinaalala ni Villanueva na ipinasa ang Telecommuting Law or Work-From-Home Law bago pa man ang pandemya para magkaroon ng mekanismo at sistema na nagsusuporta sa work-from-home at hybrid na work set-up para sa mga negosyo at manggagawa.

Facebook Comments