Friday, November 6, 2026

Wildfire prevention ng DENR sa gitna ng matinding init ng panahon, itinaas sa maximum alert status

Itinaas sa maximum alert status ang wildfire prevention o mga hakbang laban sa mga banta ng sunog sa kagubatan ng Department of Environment and Natural resources o DENR, sa gitna ng matinding init ng panahon at pagkatuyo ng mga halaman.

Kabilang sa mga ginagawang hakbang ng ahensya ay ang pagdi-deploy ng mga forest protection personnel, pagtataas ng antas ng kasanayan ng mga forest officer, paggawa ng mga fireline, pagpapatupad ng pagbabawal sa open burning, at pansamantalang pagsasara ng mga high-risk protected area.

Ayon sa DENR, nagsimula na ring maghanda ang ibang tanggapan ng ahesya, gaya sa;

• Northern Luzon, kung saan patuloy na nagpa-patrol ang mga Bantay Gubat Forest Protection Officers at park rangers sa Forest Conservation Areas, at National Greening Program Plantations

• Paghahanda ng DENR Bicol ng mga kagamitan sa pag-apula ng sunog at pagsasanay sa mga park rangers at barangay officials sa basic fire response

• Pansamantalang pagbabawal ng recreational activity sa Mt. Apo Natural Park sa Mindanao, at marami pang iba.

Hinimok naman ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang publiko, partikular ang mga residente, magsasaka, at mga lokal na pamahalaan, na iwasan na ang open burning o pagsisiga at kaingin.

Samantala, muli namang nagpaalala ang ahensya na 24/7 na naka-standby ang DENR Quick Response Teams sa mga tanggapan ng ahensya sa mga rehiyon, para sa agarang pagtugon sa mga local fire authorities sakaling magkasunog sa kagubatan.

Dagdag pa rito, patuloy naman umanong makikipag-ugnayan ang DENR sa 10 ranger stations na may lookout towers, Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), at Local Disaster Risk Reduction Offices (LDRRO) sa pamamagitan ng Red Flag Alert System para sa maagang abiso o babala ng sunog.

Facebook Comments