“Win-win” cooperation sa pagitan ng Pilipinas at China, ipinanawagan ni Pangulong Duterte

Isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng “win-win” cooperation sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito ang sinabi ng Pangulo kasabay ng ika-46 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations ng dalawang bansa at 20th Filipino-Chinese Friendship Day.

Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga selebrasyong ito ay nagpapaalala sa lahat tungkol sa malalim na pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino na pinagtibay na ilang siglo.


Aniya, importanteng magkaroon ng win-win cooperation para mapanatili ang kapayapaan at kasaganahan sa pagitan ng dalawang bansa.

Idinagdag pa ng Pangulo na pinapahalagahan ang malalim na ugnayan ng dalawang bansa at mas lumalim pa ito sa pamamagitan ng konkreto at makabuluhang kooperasyon.

Binanggit din ni Pangulong Duterte ang pagtulong ng China sa Pilipinas na makabangon ngayong pandemya.

Tiwala rin si Pangulong Duterte na ang Build Build Build Program at ang Belt and Road Initiative ay patuloy na mapapakinabangan ng dalawang bansa.

Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte ang Filipino-Chinese federation sa pagiging katuwang sa pagsusulong ng economic, cultura, people-to-people exchanges sa pagitan ng Pilipinas at China.

Facebook Comments