Wishlist ng Party-list Coalition, inaasahang tutuparin ni Rep. Cayetano sakaling umupo na itong speaker ng 18th Congress

Manila, Philippines – Tiwala si Party-list Coalition President Mikee Romero na maibibigay ni Taguig City Representative Alan Peter Cayetano ang wishlist na nais ng partido.

Ito ay kahit pa naitsapwera ng partido si Cayetano sa listahan ng kanilang mga manok sa speakership.

Kabilang sa hiling ng Party-list Coalition ay mabigyan sila ng 20% sa mga matataas na posisyon sa Mababang Kapulungan.


Ayon kay Romero, malaki ang kanilang tiwala kay Cayetano na sa loob ng 15 buwan na magsisilbi itong lider ng Kamara ay maibibigay nito ang hiling na posisyon ng mga partylists.

Sa katunayan, sinabi nila Abono Party-list Representative Conrad Estrella at 1Pacman Party-list Representative Enrico Pineda na una pa man ay pinadala sila ng partido para kausapin si Cayetano at bukas ito sa 20% allocation ng mga posisyon sa 15 chairmanship.

Sa nagdaang 17th Congress ay nasa 12% lamang ang mga naibigay na posisyon para sa party-list.

Ipinagmalaki pa ni Romero na malaki ang komposisyon ng mga Partylist Congressmen na nasa 20% sa kabuuang 304 na bilang ng mga kongresista ngayong 18th Congress.

Facebook Comments