Wreath laying ceremony, isinagawa sa Rizal Park kasabay ng anibersaryo ng Araw ng Kalayaan

Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Executive Secretary Salvador Medialdea ang wreath laying ceremony sa Rizal Park kasabay ng ika-122 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Hindi tulad noong nakaraang taon, hindi na nagsagawa pa ng flag raising ceremony dahil na rin sa sama ng lagay ng panahon.

Sa Rizal Park na rin ipinalabas ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagbigay rin ng maikling mensahe si Mayor Isko at sinabi nito na mahalaga ang tulungan ng bawat isa upang malagpasan ang kinakaharap na sitwasyon hinggil sa COVID-19.


Hindi naman pinalapit ang ilang mga taga-media at mga photo journalist dahil na rin sa health protocols na inilatag sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Nag-alay rin ng bulaklak si Dr. Jose Santiago, ang presidente ng Philippine Medical Association sa tapat ng monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal bilang pagsaludo at pag-alala sa mga nasawing frontliner na tumulong para masugpo ang COVID-19.

Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagtutulungan at Ligtas” na isang pamamaraan din ng pagkilala at pagbibigay pugay sa mga Filipino at Filipino-American medical/non-medical frontliners na sumuong sa panganib upang paglingkuran ang publiko.

Facebook Comments