Posibleng tapos na ang wave ng XBB Omicron subvariant sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa Luzon kasunod ng pagbaba ng COVID-19 positivity rate sa mga nabanggit na rehiyon.
Sa isang panayam, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na nakikita nila na patuloy bumababa ang positivity rate sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon, kung saan magandang senyales ito na patapos na ang XBB wave.
Dagdag pa ni David, isa rin dahilan ang paglalagay ng NCR at 72 iba pang mga lugar sa Alert Level 1 mula Nobyembre 1 hanggang 15 na ibig sabihin ay mataas ang bilang ng mga nagpapabakuna kontra COVID-19.
Una nang sinabi ni David na ang XBB ay isang recombinant ng dalawang subvariant ng Omicron na maaaring naging sanhi ng pagsipa ng mga kaso ng sakit sa NCR noong Setyembre.
Nabatid din na nasa 10% na lamang ang positivity rate sa Metro Manila nitong Oktubre 29, mula sa dating 12.3% noong Oktubre 22.