Muling nanindigan ang Department of National Defense (DND) na wala silang pinapasok na kasunduan sa pagitan ng China sa Ayungin shoal simula nang maupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong June 30, 2022.
Sa katunayan ayon kay Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro wala pa silang nakakausap ni sinumang Chinese government officials simula noong isang taon.
Dagdag pa ni Teodoro, ang mga maling impormasyon na ito ay isa lamang propaganda ng China.
Layon aniya nito na mailihis ang atensyon ng mga Pilipino sa totoong sitwasyon at nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Sa huli, binigyang diin ng kalihim na hindi kailanman papasok ang DND sa isang kasunduan na makokompromiso ang ating sovereign rights sa ilalim ng UNCLOS na pinagtibay ng 2016 Arbitral Ruling.
Matatandaang pumasok umano ang nakalipas na Duterte administration sa isang Gentlemen’s Agreement sa China kung saan aabandonahin na ng Pilipinas ang WPS partikular ang Ayungin Shoal na bagay na pinabulaanan ng pamahalaan.