Isang makasaysayang tagumpay ang ipinamalas ni Filipino gymnastic star Carlos Yulo sa 9th Artistic Gymnastics Asian Championship na inilunsad sa Aspire Dome sa Doha, Qatar.
Ito ay makaraang makasungkit ni Yulo ng tatlong gold at isang silver medals, na kauna-unahang mga medalya ng Pilipinas sa kasaysayan ng nasabing continental tournament.
Unang nasungkit si Yulo ang silver medal sa men’s all-around event kung saan nakakuha siya ng 83.767 points na kaunti lamang ang pagitan mula sa gold medalist na si Shi Cong ng China habang pumangatlo ang kasamahan nitong si Yang Jiaxing.
Pero noong Biyernes, bumawi agad ang Pinoy gymnast at ibinulsa ang gintong medalya sa floor exercise, ang kategorya kung saan siya hinirang na world champion noong 2019.
Tinapos ni Yulo ang kanyang kampanya sa Asian tilt noong Sabado kung saan nagwagi siya ng dalawang gold medal sa vault at parallel bars events.