Yumaong “The Skywalker” Samboy Lim, bibigyang pagkilala sa Senado

Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada sa Senado na bigyang pagkilala ang mga nagawa ng namayapang si Avelino “Samboy” Lim, ang tinaguriang “The Skywalker” ng Philippine basketball.

Inihain ni Estrada ang Senate Resolution No. 911 na nagpapahayag din ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pagpanaw ni Lim.

Ayon kay Estrada, ang ipinakita ni Lim na pagmamahal at dedikasyon sa larong basketball ay nagbigay inspirasyon sa kaniyang mga tagahanga at nakababatang henerasyon na mga atleta.


Bukod dito, ang mga nagawa ni Lim ay malaki ang naging ambag sa pag-angat ng Philippine basketball.

Tinaguriang “The Skywalker” ng Philippine basketball si Lim dahil sa kaniyang gravity-defying moves at matataas na pagtalon sa mga laro noong 1980s at 1990s.

Ginawaran ito ng pinakaunang PBA Sportsmanship Award noong 1993 dahil sa kaniyang ethical behavior, malinis na paglalaro at integridad.

Facebook Comments