Saturday, January 24, 2026

Zaldy Co, dapat umuwi ng Pilipinas kung nais tumestigo sa impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr.

Dapat umuwi ng Pilipinas ang dating kongresistang si Zaldy Co kung nais nitong tumestigo sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Batangas Representative at House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro, personal na kailangang humarap at manumpa ang isang testigo sa harap ng komite, alinsunod sa mga patakaran nito, kabilang ang pagsusumite ng mga affidavit.

Giit ni Luistro, wala sa rules ng komite ang online appearance o panunumpa sa embahada ng Pilipinas sa labas ng bansa.

Dagdag pa niya, maaari lamang tumayong testigo si Co sa impeachment proceedings kung ito ay handang umuwi ng bansa at personal na humarap sa House Committee on Justice.

Matatandaang sinabi ni dating Congressman Mike Defensor na nakahanda umanong tumestigo si Co sa impeachment complaint na inihain nila laban kay Pangulong Marcos Jr.

Facebook Comments