Zero Fire Incident sa New Year, Nakamit ng BFP RO2

Cauayan City, Isabela- Walang naitalang insidente ng sunog sa pagsalubong ng bagong taon sa buong Lambak ng Cagayan.

Ayon kay Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, Operations Officer ng BFP R02, mula nang ipagdiwang ang Pasko hanggang sa pagsalubong sa taong 2022 ay walang anumang insidente ng sunog.

Dahil aniya sa isinagawang information dissemination na “Oplan Paalala at Oplan Iwas Paputok” campaign ng bawat hanay ng BFP sa iba’t-ibang probinsya sa rehiyon.

Samantala, bahagya namang tumaas ang naitalang insidente ng sunog sa taong 2021 kumpara sa taong 2020.

Batay sa datos ng BFP RO2, mayroong naitala na 309 fire incidents sa buong rehiyon dos sa taong 2021, mas mataas kumpara sa taong 2020 na mayroon lamang 228 insidente.

Karamihan sa mga naitalang sunog ay residential/structural fire at mga nasunog na sasakyan.

Ang nakikita namang sanhi ng sunog ay dahil sa mga napabayaang electrical wirings at open flames o mga lutuan.

Facebook Comments