Manila, Philippines – Para kay Senator Risa Hontiveros, zero o wala ng kredibidad ang Pederalismo na isinusulong ng administrasyong Duterte matapos lumabas ang kontrobersyal na I-Pederalismo dance video.
Diin ni Hontiveros, ang nabanggit na video ay isang malaking insulto sa Presidential Communications Operations Office o PCOO na inirerepresenta ni Assistant Secretary Mocha Uson.
Giit pa ni Hontiveros, ito ay isang malaking kasayangan sa pera ng bayan at isang malaking kabastusan sa mga kababaihan dahil wala namang kinalaman sa maseselang bahagi ng katawan ng babae ang usapin ng Pederalismo.
Punto ni Hontiveros, inatasan at hiningan ng tulong si Ms. Uson para ipaliwanag sa publiko ang issue ng pederalismo at hindi para bastusin ang mga kababaihan.
Sabi naman ni Senator Bam Aquino, hindi lahat ng bagay ay nadadaan sa kabastusan lalo na kapag kinabukasan ng bayan ang pinag-uusapan.
Hinggil dito ay umaasa si aquino na mabigyan ng respeto ang ating Konstitusyon at mga Pilipinong nagsakripisyo para rito.