Matapos mapaulat ang mga itinatapong hinog na kamatis sa gilid ng kalsada sa Ifugao, isang pasilidad na magpoproseso ng mga gulay at hinog na prutas ang itatayo na ng Department of Agriculture (DA) sa La Trinidad, Benguet.
Inaprubahan na ni Agriculture Secretary William Dar ang pagpapalabas ng ₱20-million para sa konstruksyon ng food processing facility sa La Trinidad, Benguet.
Dagdag na pakinabang ito maliban sa itinayong Benguet Agri-Pinoy Trading Center sa La Trinidad.
Ayon kay Dar, layon nito na maiwasan ang pagkabulok at para mapanatili ang kalidad ng mga gulay at prutas na produksyon ng libu-libong magsasaka sa Benguet at kalapit na probinsya sa Cordilleras sa panahon ng peak season.
Tinugunan na rin aniya ang kalagayan ng mga magsasaka sa Tinoc, Ifugao na napabalitang itinatapon na ang kanilang produktong kamatis dahil sa kawalan ng bumibili.
Sa pamamagitan ng DA-CAR, binuksan ang iba pang marketing channels sa lugar partikular ang paghahanap na mismo ng buyers sa ilalim ng Kadiwa Express.
Dagdag ni Dar, hindi lamang ito magsisilbing processing hub kundi gagamitin din bilang learning and training site para sa mga magsasaka na nagnanais matuto ng pagproseso ng kanilang mga aning produkto.