Friday, March 6, 2026

𝗗𝗘𝗣𝗘𝗗 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗗𝗔𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗦 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗛𝗨𝗦𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗦𝗘𝗡𝗜𝗢𝗥 𝗛𝗜𝗚𝗛 𝗦𝗖𝗛𝗢𝗢𝗟 𝗖𝗨𝗥𝗥𝗜𝗖𝗨𝗟𝗨𝗠

Cauayan City – Naghahanda na ang mga pampubliko at pribadong paaralan na may Senior High School (SHS) sa lalawigan ng Isabela para sa pagpapatupad ng pinahusay na SHS curriculum sa School Year 2026–2027.

Ayon kay Schools Division Superintendent Rachel R. Llana, nagsagawa ang Schools Division Office ng serye ng orientation at technical assistance para sa mga SHS implementers upang matiyak ang maayos na transisyon sa bagong kurikulum.

Layunin ng mga aktibidad na gabayan ang mga school head, coordinator, at guro sa pag-angkop ng paraan ng pagtuturo ayon sa pambansang pamantayan sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 12, series of 2026.

Ayon kay Llana, ang inisyatibong ito ay naglalayong magkaroon ng iisang pag-unawa sa binagong curriculum framework, mapabuti ang paraan ng pagtuturo, at higit na maihanda ang mga mag-aaral para sa kolehiyo, trabaho, at pagnenegosyo.

Sa ilalim ng patakaran, ipatutupad ng lahat ng pampubliko at pribadong SHS ang pinahusay na kurikulum para sa mga papasok na Grade 11 simula sa School Year 2026–2027.

Samantala, mananatili naman sa kasalukuyang kurikulum ang mga mag-aaral na nasa Grade 12 sa parehong taon ng pag-aaral.

Ang mga pilot school na nagsimula nang magpatupad ng pinahusay na kurikulum para sa Grade 11 noong School Year 2025–2026 ay magpapatuloy naman sa paggamit nito para sa Grade 12 sa School Year 2026–2027, at gagamitin din ito para sa mga bagong Grade 11 students.

Nakaiskedyul din ang hiwalay na orientation para sa mga pribadong paaralan na nag-aalok ng Senior High School upang matiyak na handa rin ang mga ito sa paglipat sa bagong kurikulum.

Umaasa ang mga opisyal ng edukasyon na sa pamamagitan ng pinahusay na SHS curriculum ay mas mahuhubog ang mga mag-aaral na may sapat na kaalaman, kasanayan, at kahandaan para sa hinaharap.

Source: PIA Isabela

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments