
Cauayan City – Nasakote ng mga awtoridad ang isang holdaper matapos na pagnakawan ang dalawang indibidwal sa Brgy. Arellano, Quezon, Isabela kahapon, ika-13 ng Enero.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente nang bumaba ang biktimang sina “Mary” 43-anyos, at “Jose”, Pakistani National sa kanilang sasakyan upang magpa-load. Pagbaba sa sasakyan, bigla na lamang umano silang nilapitan ng isang lalaki kung saan bumunot ito ng baril at itinapat sa biktima.
Kasunod nito, binuksan ng suspek ang sasakyan ng biktima at tinangay ang isang bag na naglalaman ng isang gold earring, 2 gold bracelet, 7000 Dirham, Pakistani passport, at drivers license.
Matapos matanggap ang ulat, kaagad na rumesponde ang iba’t-ibang unit ng kapulisan at nagsagawa ng Hot Pursuit operation upang tugisin ang suspek.
Hindi naman nabigo ang mga awtoridad dahil makalipas lamang ang ilang sandali, natunton at nadakip rin ang suspek na kinilalang si alyas “Edmar”, 36-anyos, tubong Tabuk City, Kalinga.
Nakuha sa kanyang pag-iingat ang mga tinangay nitong gamit ng biktima kasama ang mga damit, gamot, sumbrero, at isang sasakyan.
Ang baril at hinihinalang marijuana na nasamsam sa suspek ay kasalukuyan ng sinusuri ng forensic unit, habang nasa kustodiya naman ng Quezon Municipal Police Station ang suspek para sa pagsasampa ng kaso.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









