
Cauayan City – Mas pinagtibay pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Epal Policy sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan.
Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng ang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng nabanggit na polisiya sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga pangalan, larawan, at anumang representasyon ng mga opisyal ng gobyerno mula sa mga programang pinondohan ng pamahalaan, mga proyekto, at iba pang ari-arian ng gobyerno sa buong lalawigan.
Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 06, s. 2026 na nilagdaan ni Isabela Governor Rodito Albano III na naglalayong pigilan ang paggamit ng mga proyekto at programa ng pamahalaan para sa pansariling pagpapakilala o promosyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Ang nasabing hakbang ay nakaangkla sa Department of the Interior and Local Government Circular No. 2026-006, na nagbibigay-diin na ang mga proyektong pinondohan ng pondo ng bayan ay dapat manatiling pag-aari at simbolo ng serbisyo ng pamahalaan, at hindi ng sinumang indibidwal na opisyal.
Sa ilalim ng naturang polisiya, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, mukha, o anumang imahe ng mga pulitiko sa mga imprastraktura, signage, relief goods, programa, at iba pang proyekto na pinopondohan ng gobyerno. Sa halip, ang mga proyekto ay dapat na malinaw na kumakatawan sa institusyon o ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad nito.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, bahagi ito ng kanilang pagsisikap na palakasin ang transparency, pananagutan, at maayos na pamamahala sa paggamit ng pondo ng bayan.
Patuloy naman ang ginagawang monitoring ng pamahalaang panlalawigan upang matiyak na nasusunod ang nasabing kautusan at hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno na sumunod sa naturang patakaran upang mapanatili ang integridad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.










