
Cauayan City β Nagbigay ng opisyal na pahayag ang Isabela Police Provincial Office kaugnay ng napaulat na umanoβy umabot sa labing-isa ang insidente ng cattle rustling sa bayan ng Tumauini.
Ayon sa beripikadong tala ng kapulisan, isang kaso ang naitala noong 2024 kung saan isang suspek ang naaresto. Noong 2025 naman, apat na insidente ang naitala at isa rin ang nadakip. Sa kasalukuyang taon, tatlo ang naitalang insidente, kabilang ang isang kaso kung saan naarekober at naibalik sa may-ari ang ninakaw na baka.
Kinumpirma ni Police Major Melchor Aggabao, hepe ng Tumauini Police Station, ang nasabing datos. Kabilang sa mga naitalang kaso ngayong taon ang paglabag sa Presidential Decree No. 533 o Anti-Cattle Rustling Law of 1974.
Dalawang insidente ng kinatay na malaking baka ang naiulat noong Pebrero 14 at 15 sa magkahiwalay na barangay sa Tumauini, habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Samantala, sa insidenteng naitala noong Pebrero 17 sa Barangay San Vicente, tatlong indibidwal ang boluntaryong sumuko sa pulisya, taliwas sa kumalat na ulat na sila ay inaresto. Naibalik na rin sa may-ari ang walong taong gulang na puting baka na tinatayang nagkakahalaga ng P45,000.
Patuloy naman ang pinaigting na police visibility, regular na pagpapatrolya, at koordinasyon sa mga barangay at livestock owners upang mapigilan ang pagdami ng ganitong uri ng krimen sa lalawigan.
————————————–
βPara sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website,Β www.rmn.ph/985ifmcauayan.
β#985ifmcauayan
β#idol
β#numberone
β#ifmnewscauayan










