
Cauayan City – Hindi na tumagal pa ang pagtatago ng 4 na suspek sa pagpatay at pagsunog sa dalawang indibidwal sa Brgy. Sinasajan, Peñaranda, Nueva Ecija, matapos maaresto ang mga ito sa Brgy. Siempre Viva Sur, Mallig, Isabela.
Matatandaang karumal-dumal ang sinapit ng mga biktimang sina Michael Odchigue, isang rescuer, at Regine Espinosa, negosyante matapos matagpuan ang sunog, may tama ng baril, at wala ng buhay na katawan ng mga ito sa loob ng isang sasakyan na sinunog rin sa harap ng isang farm sa Brgy. Sinasajan.
Sapul rin sa CCTV ang pagbuhos ng gasulina ng mga suspek sa mga biktima bago ito sinilaban.
Matapos ang masusing imbestigasyon at back tracking sa mga CCTV footage, natunton ang kinaroroonan ng mga suspek na kinilalang sina alyas “Lerma” na siyang mastermind sa krimen, at ang mga kasama nito na sina alyas “Ringo”, alyas “Baldomero”, at alyas “Melvin” dahilan ng kanilang agarang pagkakadakip.
Matapos ang tagumpay na pagkakaaresto, mahaharap sa kasong Murder ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa Peñaranda Municipal Police Station.










