
CAUAYAN CITY – Ipinag-utos ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang agarang pagpapatupad ng “Anti-Epal Policy” sa pamamagitan ng Executive Order No. 012, Series of 2026.
Layunin ng kautusan na ipagbawal ang paglalagay ng pangalan, larawan, logo, slogan, at anumang personal branding ng mga opisyal ng pamahalaan sa lahat ng proyektong pinondohan ng gobyerno.
Saklaw nito ang mga karatula at marker ng gusali, mga relief goods at school supplies, ambulansya at iba pang sasakyan ng pamahalaan, pati na rin ang mga opisyal na social media, brochures, at tarpaulin.
Ayon sa kautusan, lahat ng tanggapan ng lungsod at 65 barangay ay inaatasang sumunod at tiyaking walang anumang pagkakakilanlan ng opisyal ang makikita sa mga proyektong pampamahalaan.
Mayroon ding tatlumpung araw ang mga opisina at barangay upang alisin o pinturahan ang mga umiiral na pangalan, larawan, at slogan sa mga pasilidad at sasakyan ng gobyerno, at itigil ang pamamahagi ng materyales na may personal branding.
Ang sinumang lalabag ay maaaring humantong sa kasong administratibo, sibil, o kriminal alinsunod sa umiiral na batas.
Source: Cauayan City Local Government
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
Facebook Comments










