Friday, March 6, 2026

𝗞𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝟭𝟬𝟬,𝟬𝟬𝟬 𝗢𝗙𝗪 𝗠𝗨𝗟𝗔 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝟮, 𝗠𝗜𝗡𝗢-𝗠𝗢𝗡𝗜𝗧𝗢𝗥

Cauayan City – Patuloy na mino-monitor ng Overseas Workers Welfare Administration Region 2 ang kalagayan ng tinatayang higit sa 100,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Region 2 na kasalukuyang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan dahil sa nagpapatuloy na tensiyon sa nasabing rehiyon.

Ayon kay OWWA Regional Director Virsie Tamayao, sinabi nitong wala pa silang natatanggap na kahilingan ng tulong mula sa mga OFW sa kasalukuyan. Gayunman, patuloy ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon katuwang ang Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs upang matiyak ang kalagayan at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa naturang rehiyon.

Bilang paghahanda sakaling may mga OFW na mapauwi mula sa Region 2, nakatakdang maglagay ng OWWA assistance desks sa mga paliparan ng Tuguegarao City at Cauayan City upang agad na mabigyan ng tulong ang mga darating na manggagawa.

Bahagi rin ng paghahandang ito ang paglalagay ng mga social worker at psychologist sa mga paliparan upang makapagbigay ng agarang psychosocial intervention depende sa kalagayan ng mga OFW na uuwi sa bansa.

Kung sakaling maisama sa repatriation program ng pamahalaan, maaaring makatanggap ng hanggang ₱30,000 na tulong ang mga aktibong miyembro ng OWWA. Samantala, para sa mga mangangailangan ng serbisyong medikal, sasagutin ng ahensya ang kanilang pagpapagamot na maaaring tumagal ng hanggang anim na buwan.

Ayon pa sa opisyal, may nakahanda ring mga programa para sa mga OFW na nais magsimulang muli sa bansa, kabilang ang Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program at ang Retooling and Upscaling Program na naglalayong tulungan silang makahanap ng trabaho o makapagsimula ng sariling kabuhayan.

SOURCE, CAGAYAN PIO

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments