Tuesday, March 10, 2026

₱36M HALAGA NG MARIJUANA, WINASAK SA SUGPON, ILOCOS SUR

Aabot sa tinatayang ₱36 milyong halaga ng tanim na marijuana ang nadiskubre at winasak ng mga awtoridad sa 31 plantation sites sa bulubunduking bahagi ng Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa loob ng dalawang araw.

Sa unang operasyon, natukoy ang 18 taniman ng marijuana kung saan binunot at sinunog ang 63,300 fully grown marijuana plants na may tinatayang halaga na ₱12,660,000.

Nasamsam din ang 27.7 kilo ng tuyong tangkay ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱3,462,500 at isang kilo ng dried marijuana fruiting tops na may halagang ₱120,000.

Sa ikalawang operasyon naman, nabuwag ang 13 plantation sites kung saan winasak ang 97,550 fully grown marijuana plants na tinatayang nagkakahalaga ng ₱19,510,000.

Nasamsam din ang isang kilo ng dried marijuana fruiting tops na nagkakahalaga ng ₱120,000.

Ayon kay PBGen Dindo R. Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 1, patuloy ang kanilang pagtutok sa pagsugpo sa mga taniman ng ilegal na droga lalo na sa mga liblib na lugar.

Ipinagpapatuloy rin ng mga awtoridad ang mahigpit na operasyon upang matiyak na walang lugar sa rehiyon ang magiging kanlungan ng ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments