Tuesday, November 10, 2026

₱524-M halaga ng hinihinalang smuggled agricultural products, nasamsam sa Valenzuela City

Umaabot sa ₱524 milyong halaga ng mga hinihinalang smuggled agricultural products ang nasamsam sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Armado ng search warrant, pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang pagsalakay sa Everfresh Cold Storage Facility sa Barangay Dalandanan, kung saan natagpuan ang mga produktong mula sa China at iba pang bansa.

Kabilang sa mga nadiskubre ang carrots, luya, munggo, mani at humigit-kumulang 99,000 sako ng sibuyas.

May mga indibidwal ding hawak ngayon ang mga awtoridad, ngunit hindi pa kinukumpirma kung ang mga ito ay tauhan o may-ari ng nasabing warehouse.

Ayon sa BOC, binibigyan ng 15 araw ang rehistradong may-ari ng bodega upang magpakita ng mga kaukulang dokumento. Kapag nabigong makapagpakita, tuluyang kukumpiskahin ang mga produkto.

Posible namang maharap sa kasong paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang mga mapatutunayang responsable sa ilegal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

Facebook Comments