
Inamin ng testigo ng defense team na si Island Garden City of Samal Assessor Engr. John Kenneth Enumerables na walang Barangay Matanos sa Kaputian District, Island Garden City of Samal, Davao del Norte.
Sa Day 41 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, napuna ni presiding officer Chiz Escudero na magkaiba ang address o lokasyon sa mga dokumentong iprinisinta at kinumpirma ng testigo ng depensa kumpara sa SALN ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa 750 square meters property sa lugar na pag-aari ni Atty. Mans Carpio
Sinita ni Escudero na sa mga dokumento na cancelled at kasalukuyang field appraisal report at sa mga tax declaration ng transfer of certificate of title, ang nakalagay na address ay sa Barangay San Isidro-Kaputian pero sa mga SALN ng bise presidente ang nakalagay naman ay Barangay Matanos-Kaputian.
Sa pagtatanong ni Escudero kung mayroon ba talagang Barangay Matanos sa Distrito ng Kaputian, sinagot ni Enumerables na wala at hindi rin siya pamilyar dito.
Inamin din ni Enumerables na sa kanilang official record, Barangay San Isidro rin ang nakasaad sa property ng mister ni VP Sara.
Sinabi ng testigo na ang pinagbasehan lamang niya para masabing nakadeklara sa SALN ni VP Sara ang property ay dahil pareho ang assessed value at market value nito at wala nang ibang naging batayan.
Tinukoy ni private prosecution lawyer Atty. Benjamin Tolosa na sa 2019-2022 SALN ni VP Duterte, ang property na matatagpuan sa Barangay Matanos, Kaputian District, IGACOS na pagaari ni Carpio ay mayroong assessed value na P270,360 at market value na P2.7 million habang sa 2023-2025 SALN ng bise ay mayroong property sa parehong barangay na may assessed value na P346,960 at market value na P4.96 million.










