
CAUAYAN CITY – Inalmahan ni Alcala, Cagayan Mayor Tin Antonio ang pag-aresto ng mga awtoridad sa dalawang indibidwal na nahuli umanong nagbibiyahe ng boho o bulo sa magkahiwalay na operasyon sa nasabing bayan.
Ayon sa alkalde, kung ipipilit na forest product ang bolo, dapat ay hulihin din ang lahat ng nagbebenta nito at maging ang mga nagbebenta ng saging dahil nanggagaling din ang mga ito sa kagubatan.
Dagdag pa niya, pagkatapos ng pagkahuli sa dalawang indibidwal ay puwersahan pa umano itong inutusan ng mga awtoridad na umakyat sa puno ng niyog para sa kanilang inumin.
Batay sa ulat ng pulisya, unang naaresto sa Barangay Pared ang 32-anyos na suspek na kinilalang si alyas “Ming,” residente ng Baggao, Cagayan.
Nahuli siya ng mga nagpapatrolyang operatiba ng PNP Alcala habang sakay ng kuliglig at may kargang humigit-kumulang 50 piraso ng boho na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2,100.
Samantala, nadakip din sa Barangay Baculod ang isa pang suspek na kinilalang si alyas “James” habang nagsasagawa ng anti-illegal logging operation ang mga pulis.
Aabot naman sa 75 piraso ng boho na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3,000 ang natagpuan sa kanyang kuliglig.
Agad na inaresto ang dalawang suspek at kinumpiska ang kanilang mga kargamento at posibleng mharap sila sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Ayon sa mga opisyal, batay sa umiiral na batas, itinuturing na forest product ang kawayan at sakop ng mga regulasyon sa ilalim ng Presidential Decree 705.
Kinakailangan ng Certificate of Origin sa pagbiyahe ng kawayan mula sa mga pampublikong lupa patungo sa ibang lugar o lalawigan.
Samantala, kung ang kawayan ay mula sa pribadong lupa, kailangan naman ng Certificate of Verification mula sa Community Environment and Natural Resources Office o CENRO.
Gayunman, nakasaad sa batas tulad ng Republic Act 7161 na ang mga kawayan na itinanim sa plantasyon ay hindi na sinisingil ng forest charges upang mahikayat ang pagpapalago nito.
Samantala, ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ang may mandato sa pagsubaybay, pag-iimbentaryo at pag-uulat hinggil sa mga bamboo resources sa mga pampubliko at pribadong lupa.
Source: Mayor Tin Antonio/DCZV Tuguegarao
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










