Saturday, July 11, 2026

π—–π—˜π—Ÿπ—Ÿπ—£π—›π—’π—‘π—˜ π—§π—˜π—–π—›π—‘π—œπ—–π—œπ—”π—‘, π—‘π—”π—šπ—•*π—šπ—§π—œ-𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 π—Ÿπ—’π—’π—• π—‘π—š π—žπ—”π—‘π—¬π—”π—‘π—š 𝗕𝗔𝗛𝗔𝗬

CAUAYAN CITY- Isang 30-anyos na lalaki ang natagpuang wala ng buhay sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay Maligaya, Cauayan City, Isabela noong ika-9 ng Hulyo.

Kinilala ang nasawi na si alyas β€œ Vince”, isang cellphone technician, at kasalukuyang naninirahan sa Purok 5, Brgy. Maligaya,Cauayan City.

Batay sa ulat ng pulisya, nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad hinggil sa umano’y insidente ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at nadatnan nila ang biktima na nakahandusay na sa sahig katabi ng isang monobloc chair at isang dilaw na nylon rope na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ito natagpuang wala ng buhay, nakipag-inuman pa umano ito sa kaniyang mga kamag-anak noong gabi ng Miyerkules. Sa gitna ng inuman, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa cellphone ang biktima at ang kanyang kinakasama tungkol sa madalas nitong pag-inom ng alak.

Matapos ang inuman ay umalis umano ang biktima at nagtungo sa kaniyang silid. Kinabukasan, magpapatulong sana ang ina ng biktima na maghatid ng kanilang mga β€œtupig” ngunit hindi ito sumasagot sa kabila ng sunud-sunod na pagkatok.

Dahil nakakandado ang pinto, pinakiusapan niya ang kapatid ng biktima na silipin ito sa loob ngunit dito na nadiskubre na nakabigti ito gamit ang nylon rope.

Agad siyang ibinaba ng kanyang kapatid sa pagkakabigti sa pag-asang maisasalba pa ang kanyang buhay, subalit sa kasamaang palad ay wala na itong pulso at matigas na ang katawan.

Kaagad namang ipinagbigay-alam ang insidente sa barangay at humingi ng tulong sa Rescue 922 at sa himpilan ng pulisya.

Facebook Comments