
Cauayan City – Sugatan ang tatlong driver at ilang pasahero matapos masangkot sa banggaan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng National Highway, Brgy. San Fermin, Cauayan City, kagabi, Pebrero 12, 2026.
Batay sa ulat ng Philippine National Police Cauayan Component City Police Station, sangkot sa aksidente ang isang pulang Suzuki Celerio na minamaneho ni Daisy Tagarino, 36 anyos, kawani ng LGU, kasama ang kanyang mga pasahero na sina Emerson Tagarino, Maria Angelino Tagarino, at Daison Tagarino, pawang residente ng Naganacan, Cauayan City.
Kabilang din sa insidente ang Yamaha R15 na minamaneho ni Ransh Niño Flores, 18 anyos, estudyante at residente ng Villegas, San Fermin, at isang Yamaha Aerox na minamaneho ni Jhess Mark Bielgo, 27 anyos, caretaker at residente ng Ilagan City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng Suzuki Celerio ang southbound lane patungong Alicia habang magkasalubong naman ang dalawang motorsiklo patungong sentro ng lungsod ng Cauayan.
Nang marating ang lugar ng insidente, biglang napunta umano sa kabilang linya ang Yamaha Aerox at bumangga sa Suzuki Celerio. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang kotse at sumalpok naman sa Yamaha R15.
Nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang mga driver ng dalawang motorsiklo at mga pasahero ng kotse kung saan agad silang dinala ng Rescue 922 sa Cauayan District Hospital at Garcia Medical Center para sa agarang lunas.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon sa insidente.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










