Isinailalim na sa Red Alert Status ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang kanilang operations center bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Nika sa probinsya.
Sa naganap na Pantongtongan Tayo na pinangunahan ng PIA Pangasinan ngayong araw, inilahad ni PDRRMO Operations Head Vincent Chiu na handa ang pamunuan pagdating sa mga kinakailangang pagtugon ng mga maapektuhang residente.
Nakapreposisyon na umano ang water assets, emergency vehicles, heavy equipment maging ang ready to deploy na mga kawani mula sa Response Cluster.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang naitatalang evacuees sa lalawigan sa kabila ng pagsasailalim nito sa Signal No. 1 at 2 kung saan nararanasan ang pabugso bugsong pag-uulan.
Inabisuhan na rin ang mga residenteng nakatira malapit sa kailugan dahil sa pagpapakawala ng tubig ng San Roque Dam.
Ani Chiu, sa nararanasang mga sunod sunod na kalamidad, hindi lamang response at rescue ang kinakailangan bagamat ang paghahanda na rin ng bawat residente sa kani-kanilang mga tahanan bago pa ang paghagupit ng anumang bagyo.
Samantala, inaasahang lalabas sa PAR ang Bagyong Nika ngayong Martes at kasabay nito ang posibleng pagpasok din ni TD Ofel. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨