Thursday, April 30, 2026

𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗚𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗘𝗡𝗜𝗧𝗢 𝗦𝗢𝗟𝗜𝗩𝗘𝗡, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢

Cauayan City — Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking suspek sa nangyaring pamamaril na ikinasawi ng dalawang magsasaka sa Barangay Gomez, Benito Soliven, Isabela noong ika-24 ng Abril.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Ruben”, 29-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat, nagpapahinga umano sa gilid ng kalsada ang mga biktimang kinilalang sina alyas “Niko,” 64 anyos, at “Mario,” 35 anyos matapos magpatuyo ng ani ng mais.

Habang nagpapahinga, dumating ang suspek sa lugar sakay ng motorsiklo at sa hindi malaman na dahilan at bigla na lamang umanong pinagbabaril ang dalawa gamit ang kalibre .45 na baril.

Nasaksihan mismo ng anak ng biktimang si “Niko” ang ginawang pamamaril ng suspek sa dalawa noong babalikan na sana niya ang natitirang ani kung saan nakita rin nito ang pagtakas ng suspek patungo sa sentro ng barangay.

Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala at live ammunition na nagsilbing ebidensya.

Mabilis namang rumesponde ang Local Area Response Team (LART) at isinugod ang mga biktima sa San Mariano Community Hospital. Gayunman, idineklara silang dead-on-arrival dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Sa isinagawang hot pursuit operation, agad na natunton at naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa parehong barangay.

Naisampa na sa Office of the Provincial Prosecutor ang kasong double murder laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings at sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng Benito Soliven Municipal Police Station habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa hukuman.

Facebook Comments