Friday, November 13, 2026

𝟯 π—œπ—‘π——π—œπ—•π—œπ——π—ͺπ—”π—Ÿ, π—¦π—¨π—šπ—”π—§π—”π—‘ 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗒𝗦 π— π—”π—¦π—”π—Ÿπ—£π—’π—ž π—”π—‘π—š π—¦π—œπ—‘π—”π—¦π—”π—žπ—¬π—”π—‘π—š π—˜-π—•π—œπ—žπ—˜

CAUAYAN CITY- Sugatan ang tatlong katao matapos matapos salpukin at makaladkad ng isang sasakyan ang kanilang sinasakyang E-Bike sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, ngayong araw.

Kinilala ang biktima na sina alyas β€œMj”, 25 -anyos at residente ng Brgy. Lenzon, Gamu, Isabela, habang ang dalawang menor de edad na sakay nito ay kinilalang sina alyas β€œJane” 15-anyos at alyas β€œBrons”, 14-anyos at residente ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City.

Sangkot din sa aksidente ang driver ng isang hatchback na kinilalang si alyas β€œAldous”,23-anyos at residente ng Brgy. Culing East, Cabatuan, Isabela.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan Component City Police Station, kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang direksiyong silangan patungong Cauayan Centro nang mangyari ang insidente.

Nasa unahan umano ang e-bike nang aksidenteng mabangga ng sasakyang minamaneho ni alyas β€œAldous” ang likurang bahagi nito.

Dahil sa lakas ng impact, nakaladkad ang e-bike nang tinatayang 50 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahaging katawan ang driver ng e-bike at mga pasahero nito. Agad naman silang isinugod sa pagamutan para sa agarang atensiyong medikal.

Maswerte namang nakaligtas at walang tinamong pinsala ang driver na si alyas β€œAldous”.

Dinala naman ang mga sasakyan sa Cauayan Component City Police Station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments