
ILAGAN CITY, ISABELA- Tumaas sa 6% ang inflation rate sa lalawigan ng Isabela noong Oktubre 2026 mula sa 5.7% na naitala noong Setyembre, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mataas din ito kumpara sa 0.5% inflation rate noong Oktubre 2025, habang umabot naman sa 3.9% ang average inflation mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
Pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation ang transportasyon na nagtala ng 23.9% inflation rate, kasunod ng pagmahal ng gasolina na 51.8% at diesel na 66.9%.
Nakapag-ambag din sa pagtaas ng presyo ang housing, water, electricity, gas and other fuels na may 11.3% inflation rate, partikular ang LPG na 52.8% at kuryente na 21.3%.
Samantala, nagtala naman ng 3.3% inflation rate ang food and non-alcoholic beverages, bunsod ng pagtaas ng presyo ng bigas na 23%, isda at iba pang seafood na 3.3%, at prutas at mani na 9.3%.
Sa kabila nito, bumaba naman ang presyo ng karne, partikular ang baboy, na nagtala ng negative 10% inflation rate noong Oktubre.










