Friday, March 13, 2026

𝗧𝗥𝗜𝗖𝗬𝗖𝗟𝗘 𝗗𝗥𝗜𝗩𝗘𝗥, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

Cauayan City – Patay ang isang 38-anyos na tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek noong gabi ng Marso 12, 2026 sa Barangay Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Armando Faustino Jr. residente ng Purok 6, Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ayon sa pulisya, bandang alas nuebe ng gabi nang makatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y vehicular incident sa nasabing lugar. Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar ngunit sa kanilang pagdating, tumambad sa kanila ang biktima na nakahandusay sa lupa na duguan at may mga tama ng bala sa dibdib.

Sa isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) natagpuan ang limang basyong bala ng hinihinalang kalibre .45 at isang deformed na metal-coated na bala.

Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang hindi pa natutukoy na sasakyan patungo sa hindi pa malamang direksyon.

Sinubukan pang isinugod sa Cauayan District Hospital ang biktima ngunit sa kasamaang palad idineklara ay itong dead on arrival ng attending physician.

Sa ngayon, patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen. Nagsasagawa rin ng dragnet operations ang mga awtoridad para sa posibleng pag-aresto sa salarin.

Facebook Comments