Wednesday, August 5, 2026

𝗦𝗔𝗠𝗣𝗨𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗧𝗜𝗧𝗜𝗥𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗜𝗬𝗘𝗠𝗕𝗥𝗢 𝗡𝗚 𝗖𝗧𝗚, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗚𝗞𝗔𝗞𝗔𝗛𝗜𝗪𝗔𝗟𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡



Cauayan City – Arestado ang sampung (10) pinaniniwalaang natitirang miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng Communist Terrorist Group (CTG) sa magkahiwalay na operasyon.

Ayon sa 5th Infantry Division (5id) na nakabase sa Camp Melchor F. Dela Cruz sa Gamu, Isabela, pitong suspek ang naaresto sa Pag-asa Street, Barangay Baras-baras, Tarlac City sa bisa ng mga warrant of arrest.

Kinilala ang mga ito sa mga alyas na “Marie,” “Ken,” “Tess,” “Javar,” “Rene,” “Ranee,” at “Marc.”

Samantala, tatlo pang personalidad ang nadakip sa isang condominium unit sa Fairview, Quezon City. Kabilang dito ang isang suspek na kinilalang si alyas “Laki,” kasama ang dalawa pang indibidwal na umano’y may kaugnayan sa underground communist movement.

Ayon sa militar, nahaharap ang ilan sa mga naaresto sa iba’t ibang kaso tulad ng attempted murder, frustrated murder, destructive arson, qualified trafficking in persons, at illegal possession of firearm and explosive.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng 501st Infantry Brigade ng 5ID katuwang ang iba’t ibang intelligence at law enforcement units kabilang ang criminal investigation and detection group, national intelligence coordinating agency, at mga police unit sa Central Luzon at National Capital Region, na sinuportahan din ng 7th Infantry Division.

Ayon kay 5ID Commander Major General Gulliver l. Señires, patunay ang matagumpay na operasyon sa matibay na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan laban sa armadong kilusan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naarestong suspek habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso laban sa kanila.

Facebook Comments