
CAUAYAN CITY – Huli sa akto ang isang 18-anyos na babae matapos umanong magnakaw ng mga paninda sa isang kilalang Mall sa lungsod ng Cauayan nitong linggo, ika-4 ng Enero, 2026.
Ayon sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, bandang alas-11:40 ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng Mall sa District 2, Cauayan City.
Kinilala ang suspek bilang alyas “Kristina” na residente ng District 1, Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon, nagpanggap umanong bibili ang suspek at kinuha ang dalawang set ng medyas na may anim na pares at isang jacket, na inilagay sa kanyang shoulder bag at lumabas umano siya ng tindahan nang hindi nagbabayad.
Napansin ito ng isang civilian security guard na agad humabol at umaresto sa suspek sa tapat ng isang restaurant malapit sa Mall.
Nabigo ang suspek na magpakita ng resibo kaya dinala siya sa Customer Relations Office kung saan narekober ang mga ninakaw na items.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,737.00 ang kabuuang halaga ng mga panindang nakuha mula sa suspek.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon.
photo: for illustration only
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










