*Gamu, Isabela- *Matagumpay na isinagawa ngayong araw ng Department of Trade and Industry (DTI) ang 10th Cagayan Valley Consumer Assembly sa pangunguna ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na ginanap sa Gamu, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Provincial Director Singun, pang-sampung taon na ang kanilang pagsasagawa ng Consumer Welfare Month sa kada buwan ng Oktubre ng taon na naglalayong talakayin ang mga bagay-bagay para sa mas epektibong pamamaraan ng pagma-market.
Ang nasabing regionwide na aktibidad ay may temang “Making Digital Market Places Fairer” na dinaluhan ng nasa tatlong daang kalahok mula sa iba’t-ibang sektor, mga pribadong NGO’s ng Consumerism, mga grupo ng mga negosyante at mga studyante na lalahok para sa poster making.
Ayon kay Singun, mas mainam na umanong idaan sa makabagong teknolohiya ang pamamaraan ng pagbebenta ng mga produkto sa pamamagitan ng social media dahil halos lahat aniya ay gumagamit na ng social media at mahilig sa online shopping.
Paalala naman ni Singun na maging matalino pa rin sa pamimili ng mga produkto at tiyakin na legit ang mga pagbibilhan sa online upang hindi mabiktima ng mga pekeng produkto o mga Scammer.