Sen. Dela Rosa, hinamon si PNP Chief Azurin na magsalita na sa nalalaman nito tungkol sa pagkakasangkot ng ilang mga opisyal sa P6.7-B drug buy bust noong nakaraang taon

Hinamon ni Public Order and Dangerous Drugs Committee Chairman Senator Ronald “Bato” Dela Rosa si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na basagin na ang katahimikan nito kaugnay sa P6.7 billion drug haul sa Maynila na kinasangkutan ng ilang mga heneral at opisyal ng pulisya.

Babala ng dating PNP chief kay Azurin na reputasyon nito ang nakataya lalo pa’t malapit na ang panahon na magreretiro na ito sa PNP.

Giit pa ni Dela Rosa kay Azurin, siya ngayon ang ama ng PNP at pinuno ng ahensya kaya naman kung magsasalita ito tungkol sa iregularidad na kinasangkutan ng kanyang mga tauhan ay tiyak tapos na ang usapan.


Nakasisiguro rin si Dela Rosa na nalalaman ni Azurin ang katotohanan dahil ito ang chief sabay ng hamon na kung may nalalaman man ito ay magsalita na sa lalong madaling panahon upang hindi pagdudahan ng taumbayan.

Mainam aniya kung lilinawin ni Azurin ang takbo ng isyu bago siya magretiro upang makita ng publiko na wala itong balak na pagtakpan ang anumang kalokohan na ginagawa ng kanyang mga opisyal at mga tauhan.

Nais ding padaluhin ni Dela Rosa si Azurin sa ikakasang imbestigasyon ng Senado patungkol sa pagkakadawit ng ibang matataas na opisyal sa kontrobersyal na P6.7 billion drug buy bust sa Maynila kung saan naaresto dito si Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

Facebook Comments